Malabon LGU, nagtalaga ng fireworks display designated areas sa pagdiriwang ng Bagong Taon

Para sa isang ligtas, payapa, at masayang Bagong Taon, nagtalaga ang lokal na pamahalaan ng Malabon ng mga designated area para sa pagsasagawa ng fireworks display sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Sa inilabas na abiso ng Malabon LGU, maaaring masaksihan ng publiko ang fireworks display sa People’s Park sa Barangay Catmon at Plaza Diwa sa Barangay Tugatog.

Kaugnay nito, hinihikayat ang mga residente na panoorin na lamang ang nakahandang fireworks display at umiwas sa paggamit ng paputok.

Babala pa ng lokal na pamahalaan, mahigpit na ipatutupad ang Malabon City Ordinance No. 11-2015, na nagbabawal sa pagbebenta, pamamahagi, at paggamit ng paputok, lalo na ng mga kabataan.

Sa ilalim ng ordinansa, ang sinumang lalabag ay papatawan ng ₱3,000 na multa, ₱5,000 kung lalaban o susuway, at maaari ring makulong ng hanggang 30 araw.

Muling paalala ng Malabon LGU sa mga residente na iwasan ang pagpapaputok upang maiwasan ang pinsala, pagkasawi, at sunog sa kabuhayan.

Facebook Comments