Malabon LGU, nakahanda at patuloy na nakamonitor sa epekto ng Bagyong Betty

Nananatiling nakaalerto ang lokal na pahalaan ng Malabon para masiguro ang kaligtasan ng mga residente sa harap ng banta ng Bagyong Betty.

Kaugnay nito, nakataas pa rin ang blue alert status sa lungsod alinsunod na rin sa direktiba ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval kahit pa hindi direktang tatamaan ng bagyo ang kanilang lugar.

Ipinag-utos rin ng alkalde ang paglalabas ng weather advisory sa 21 barangay sa Malabon gayundin ang paglalabas ng “Alert at Monitoring” status sa lahat ng mga ahensiyang miyembro ng Malabon City Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) at Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committee (BDRRMC).


Pinapatutukan din ni Mayor Sandoval ang lagay ng panahon, mga ilog, mga lugar na binabaha at high risk areas sa kanilang lungsod.

Ang Malabon DRRMC at mga barangay ay nasa on call status habang pinapagana na ang Emergency Operations Center (EOC).

Pinatitiyak naman ng City Health Department ang pagkakaroon ng gamot at mga kagamitan para sa posibleng operasyong medikal.

Maging ang relief goods ay nakahanda na rin para sa mga posibleng residente na ililikas kung saan nakahanda naman na rin ang evacuation center.

Facebook Comments