May apat nang quarantine areas ang Malabon para sa mga residente nito na pinagsusupetsahang nagtataglay ng COVID-19.
Ayon kay Malabon Mayor Lenlen Oreta, hindi man maihahalintulad sa 5-star hospital ang kanilang isolation areas pero ito ay bahagi ng kanilang buong pusong paglilingkod.
Sa isolation areas ay may mga double deck bed kung saan ang itaas ay lagayan ng gamit ng mga pasyente.
May mga kani-kaniya din unan, kumot, at sapin ang bawat pasyente at araw-araw ang pagdi-disinfect upang mapanatili ang kalinisan.
Kaugnay nito ay hiniling ng Malabon City Government sa publiko na manatili sa tahanan, magdasal at makipagtulungan dahil ibang klase ang krisis na kinakaharap natin ngayon.
Diin ni Mayor Oreta, mahalaga na magsama-sama ang mamamayan, kapulisan, barangay, at iba pang #frontliners para mawakasan ang pandemic.