Muling sinampahan ng kasong plunder sa Office of the Ombudsman si Mayor Lenlen Oreta ngayong araw.
Sa pagkakataong ito, kasama sa mga kinasuhan ay mga miyembro ng Lupon ng Rehente ng City of Malabon University (CMU) at Sangguniang Panlungsod ng Malabon.
Kabilang sa mga isinampang kaso laban sa mga respondent ang technical malversation sa ilalim ng Article 220 ng Revised Penal Code at plunder sa ilalim ng R.A No. 7080.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y iligal na paggastos ng pondo ng United Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) para sa mga mag-aaral ng CMU.
Ang nagsampa ng kaso ay isang nagngangalang Dennis Garcia Padua na residente ng Malabon.
Ayon kay Padua, kabilang sa kanilang mga ebidensya ang statement of accounts na nagpapakita ng listahan ng mga estudyante na nakinabang sa tulong pinansyal ng UniFAST.
Ani Padua, taong 2000 nang magpalabas ang Local Government Unit (LGU) ng ₱80 milyon na pondo na laan sa mga benepisaryo ng UniFAST, pero lumilitaw na nasa ₱46-M lang ang nagamit para sa mga estudyanteng benepisaryo.
Habang nitong taong 2021, nasa ₱90 milyon ang ang ibilabas na pondo, ngunit ang ginamit lang ay ₱55-M para sa mga estudyante.
Tinatayang nasa 4,500 ang mga benepisyaryo sa UniFAST program sa CMU.