Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na maryoong nangyaring kapabayaan o security lapses kaya nalusutan ang mga otoridad sa Jolo, Sulu at nangyari ang pagsabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral na ikinasawi ng 28 tao at ikinasugat naman ng mahigit 100.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, sa ngayon ay hindi pa nila masabi kung mayroong opisyal na dapat managot sa pangyayari dahil gusto muna ni Pangulong Rodrigo Duterte na matapos ang iniutos nitong malalimang imbestigasyon.
Una na kasing inatasan ni Pangulong Duterte ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na tiyakin na ligtas ang mga taga Mindanao at agad na tugunan ang pangangailangan ng mga nabiktima ng pagsabog.
Matatandaan na nakatakdang bumisita ngayong araw si Pangulong Duterte sa Jolo, Sulu para personal na makiramay sa mga biktima.