Manila, Philippines – Ikinalungkot ng Palasyo ng Malacañang ang inilabas na impormasyon ng Philippine Statistics Authority na umabot lamang sa 6.2% ang itinaas ng Gross Domestic Product ng bansa sa buong 2018 na mas mababa sa 6.5 hanggang 6.9 na target ng pamahalaan.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, natural lang na kung hindi naabot ang target ay disappointed ang Malacañang.
Pero sa kabila nito ay sinabi ni Panelo na hindi naman ito maituturing na kabiguan ng Pamahalaan dahil maituturing na okay parin naman ang naabot na 6.2% Growth rate noong nakaraang taon.
Ipinaliwanag pa ni Panelo na posibleng ang mataas na inflation rate ang humatak pababa ng GDP ng bansa.
Sa kabila nito ay tiwala parin naman aniya sila na maaabot ang target ng GDP increase ngayong taon dahil tama ang direction ng Administrasyon base narin sa Economic managers ng Pangulo.