Manila, Philippines – Inatasan ngayon ng Palasyo ng Malacañang ang lahat ng tanggapan ng gobyerno sa ilalim ng ehekutibo kabilang na ang mga Government Owned and Controlled Corporation o GOCC at mga State Universities and Colleges o SUCs na palakasin pa ang kanilang mga programa bilang suporta sa kampanya laban sa iligal na droga.
Sa Memorandum Circular number 53 na inilabas ng Malacañang ay inaatasan ang lahat ng tanggapan ng Pamahalaan sa ilalim ng ehekutibo na paandarin ang lahat ng assets ng mga ito para sa pagtulong sa war on illegal drugs.
Layon nitong makatulong sa mga law enforcement agency tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Dangerous Drugs Board (DDB) at ang binuong anti-illegal drugs taskforce.
Ang kautusan ng Malacañang ay bahagi ng polisiya ng pamahalaan upang matiyak na magiging epektibo ang mga programa at mga proyekto sa paglaban sa iligal drugs.
Nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang nasabing kautusan noong November 12 sa ilalim ng kapangyarihan ni Pangulong Rodrigo Duterte.