Manila, Philippines – Ipinauubaya na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara ang Bangsamoro Basic Law.
Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, napagkasunduan nila sa Legislative-Executive Development Advisory Council meeting na ihain na sa susunod na Linggo ang panukala para sa BBL na isinumite ng Bangsamoro Transition Commission.
Dito ay sinabi ng Pangulo sa kanila na ipauubaya nito ang final version ng BBL sa Mababang Kapulungan.
Samantala, sa Lunes ay dedesisyunan ng Kamara kung i-a-adopt ng Mababang Kapulungan ang bersyon ng Senado sa inaprubahang panukala para sa pagpapaliban ng Barangay at SK election.
Kung sakaling i-adopt ng Kamara ang Senate version ay wala ng bicameral conference committee at agad na itong isusumite sa Presidente sa Martes.
Kasama din sa napagusapan sa LEDAC ang pagamyenda sa Government Procurement Reform Act at ang paglikha dito ng Government Procurement Policy Board.