Manila, Philippines – Inilatag ng Palasyo ng Malacañang ang mga negatibong epekto sakaling hindi makapasa ang 2019 national budget sa Kongreso at ipagpatuloy ang paggamit ng re-enacted budget sa buong 2019.
Ito ang ginawa ng Malacañang sa harap na rin ng pahayag ni Senate President Vicente Sotto III na sawang-sawa na siya sa issue ng pork barrel kaya mas mabuting gamitin nalang ang re-enacted budget sa buong taon.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, sa oras na hindi maipasa ang 2019 budget at magpatuloy ang re-enacted budget ay hindi maaabot ng Pamahalaan ang pagtaas ng Gross Domestic Product o GDP ngayong taon kung saan ay baba pa ito ng 1 hanggang 2.3 percent.
Sinabi din ni Panelo na negatibong tatamaan ang mga infrastructure projects ng Pamahalaan sa ilalim ng build-build-build program sa oras na magpatuloy ang re-enacted budget dahil hindi mapopondohan ang mga magsisimula pa lamang proyekto.
Masasagasaan din aniya ang target ng Gobyerno na magbukas ng marami pang trabaho para sa mga Pilipino, maaantala ang pagpapaganda ng road network, health promotion, peace and security at maraming iba pa.
Binigyang diin pa ni Panelo na nagampanan na ng ehekutibo ang kanilang tungkulin sa budgeting process at hihintayin nalang nilang gampanan ng Kongreso ang kanilang mandato.