Manila, Philippines – Nagpaliwanag ang Malacañang kung bakit hindi inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang bahagi ng tax amnesty act.
Layon ng republic act no. 11213 na isailalim sa amnesty program ang mga tax liability o hindi nababayarang buwis bago ang 2017 at bigyan sila ng one-time opportunity para mabayaran ito nang hindi mauuwi sa kasuhan.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo – bagama’t kinikilala ni Pangulong Duterte ang kahalagahan ng batas, ilang bahagi nito ang hindi sinang-ayunan ng pangulo sa pangambang magamit ito sa tax evasion.
Sa veto message ng Pangulo, sinabi niyang kailangan pang magpasa ang kongreso ng batas na magtatanggal sa bank secrecy para sa mga kaso ng pandaraya.
Sabi pa ni Panelo – baka may ilang gagamit ng bank secrecy law para maprotektahan ang kanilang bank deposits at dayain ang halaga ng buwis na dapat nilang bayaran.