Manila, Philippines – Inatasan na ang National Privacy Commission (NPC) na magsagawa ng imbestigasyon sa sinasabing data breach sa mga nagpapa-renew ng passport base sa isinapubliko ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, kailangang malaman ng NPC kung mayroong mga nalabag sa probisyon ng Republic act number 10173 o Data Privacy Act partikular sa personal na impormasyon ng mga mag-re-renew ng passport.
Sinabi ni Panelo na hindi dapat maabala ang mga aplikante sa pagpapasa nanaman ng mga orihinal na kopya ng kanilang mga birth certificates para makapag-renew ng passport dahil nawala ang mga ito.
Sapat na aniya dapat bilang requirement ang lumang passport ng mga aplikante para mai-renew ang mga ito at para na rin mabawasan ang mahabang proseso at mabawasan ang red tape sa gobyerno.
Binigyang diin ni Panelo na ito ay isang mahalagang bagay at nakikiisa sila sa mamamayan sa paghahanap ng katotohanan at tututukan ang usapin.