Manila, Philippines – Ayaw magturo ngayon ng Palasyo ng Malacañang kung sino ang sa tingin nilang nasa likod ng pagsabog at kung may kinalaman ba ang pambobomba sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral sa Jolo Sulu sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law.
Matatandaan na natalo ang Bangsamoro Organic Law sa Sulu na kilalang balwarte ni Moro National Liberation Front Founding Chairman Nur Misuari.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, hindi sila magbibigay ng anomang espekulasyon sa pangyayari.
Paliwanag ni Panelo, hihintayin nalang nila ang resulta ng ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang malaman kung sino ang nasa likod ng pagsabog na ikinamatay ng 28 tao at ikinasugat naman ng mahigit 100 iba pa.
Sinabi din ni Panelo na aalamin niya kay Pangulong Duterte kung magbibigay ito ng pabuya sa mga makapagbibigay ng impormasyon kung sino ang utak ng pagpapasabog sa nasabing lugar.