Malacañang, aminadong mabagal ang COVID-19 immunization program

Aminado ang Malacañang na kailangan pang bilisan ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

Ito ay kasunod ng pagpuna ni Senator Panfilo “Ping” Lacson sa mabagal na vaccination program ng gobyerno kontra COVID-19 at baka abutin pa ng hanggang 2033 bago maabot ang herd immunity sa bansa kung hindi magbabago ang aksyon ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, puwede namang bilisan ang pagbabakuna pero batid naman ng lahat na limitado lamang ang nakukuhang supply na bakuna ng pamahalaan.


Aniya, maaaring isa sa nakapagpapabagal sa vaccination program ay ang pagbibigay ng karapatan sa mga health workers na makapamili ng brand ng bakuna na nais nilang maiturok.

“Let me explain na limitado naman po ang bakuna natin ngayon at ang ating binabakunahan ngayon po ang ating mga medical frontliners ‘no. Eh nagkaroon nga po kasi ng EUA iyong Sinovac na not recommended for health workers kaya binigyan natin ng option ang mga health workers. Isa po iyan sa dahilan kung bakit medyo mabagal talaga ang rollout kasi iyong mga umayaw ng Sinovac ay kinakailangang balikan at i-offer uli ng AstraZeneca.” ani Roque

Umaasa naman si Roque na pagsapit ng Abril hanggang Mayo ay dumating na sa bansa ang bultong order ng mga bakuna ng pamahalaan para mapabilis ang vaccination program.

Target ng gobyerno na makapagbakuna sana ng 300,000 hanggang 400,000 kada araw para makamit ang 50 hanggang 70 milyong populasyon ng bansa para maabot ang herd immunity.

Facebook Comments