
Inamin ng Malacañang na hindi maganda sa imahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masampahan ng impeachment complaint at iginiit na wala itong anumang pakinabang para sa administrasyon.
Ito ang tugon ng Palasyo sa pahayag ni Cong. Jonathan Flores kaugnay ng one-year bar rule ng Konstitusyon, kung saan kapag na-refer at na-initiate ang isang impeachment complaint sa House Committee on Justice, hindi na maaaring tumanggap ng panibagong reklamo laban sa Pangulo sa loob ng isang taon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi maaaring ituring na bentahe ang maagang paghahain ng impeachment complaint dahil anumang impeachment laban sa Pangulo ay may masamang epekto sa imahe ng liderato ng bansa.
Negatibo rin ito sa pananaw ng mga ekonomista at sa kabuuang ekonomiya dahil nagdudulot ito ng impresyon na may kaguluhan o kawalan ng kumpiyansa sa pamahalaan.
Samantala, sinabi ni Castro na wala pa siyang tiyak na impormasyon kung nagkaroon na ng pag-uusap sina Pangulong Marcos at kanyang anak na si Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos kaugnay ng inihaing reklamo.
Gayunman, iginiit ng Palasyo na malinaw at paulit-ulit ang bilin ng Pangulo sa kanyang anak na gampanan ang tungkulin bilang mambabatas at manatiling patas sa proseso.










