
Sinang-ayunan ng Malacañang ang pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi sila dapat gamitin sa pamumulitika, kasunod ng umano’y destabilisasyon laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gitna ng isyu ng katiwalian.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang protesta ay galing sa taumbayan at hindi dapat haluan ng intensyong gibain ang gobyerno dahil ito’y labag sa batas.
Hindi aniya nais ng pangulo, maging ng AFP at Philippine National Police (PNP), na samantalahin ng ilang grupo ang damdamin at sentimyento ng taumbayan upang magamit laban sa gobyerno.
Samantala, walang nakikitang koneksyon ang palasyo sa alegasyong ginagamit ang destabilization para malihis ang atensyon ng publiko sa kasalukuyang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Giit ni Castro, malinaw na ang usapin ng korapsyon at iba pang infrastructure issues ang siyang pangunahing tinututukan ng administrasyon, alinsunod sa panawagan ng pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA).









