Bukas ang Malacañang sa panukalang gamitin ang ilang bahagi ng pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pagtugon at rehabilitasyon ng mga lugar na hinagupit ng Bagyong Rolly.
Una nang nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa gobyerno na i-realign ang ₱16 billion mula sa ₱19 billion budget ng NTF-ELCAC para tulungan at makabangon ang mga biktima ng kalamidad.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang paggamit ng pondo sa mga lugar na nasalanta ng bagyo ay magiging bahagi ng mandato ng NTF-ELCAC.
Bahagi aniya ng trabaho ng task force na isulong ang kaunlaran sa mga lugar na mayroong insurhensya.
Sa ilalim ng proposed 2021 national budget, ang anti-insurgency task force ay nagtabi ng ₱16 billion para sa Barangay Development Program.