
Pumalag ang Malacañang sa mga batikos hinggil sa umano’y maliit na halaga ng tulong pinansiyal na ibinibigay ng gobyerno sa mga pamilyang nasiraan ng bahay dahil sa pananalasa ng mga bagyo.
Matatandaang inunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbibigay ng ₱5,000 ang gobyerno para sa mga may partially damaged na bahay at ₱10,000 para sa mga totally damaged na bahay, bagay na binatikos ng mga netizen.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi dapat ito maliitin dahil ito ay paunang tulong lamang na magagamit agad ng mga apektadong residente habang nagpapatuloy pa ang iba pang programa ng pamahalaan para sa rehabilitasyon at relokasyon.
Ipinaalala rin ni Castro na katulad na halaga din ang ibinibigay ng mga nakaraang administrasyon sa mga nasalanta ng malalakas na bagyo, kaya’t hindi umano makatuwirang husgahan agad ang kasalukuyang tulong ng pamahalaan.
Giit pa ni Castro, may nauna nang ₱760 milyong pisong pondo na ipinagkaloob ni Pangulong Marcos Jr. sa mga lokal na pamahalaang labis na nasalanta ng Bagyong Tino upang magamit sa agarang ayuda.
Patuloy rin ang koordinasyon ng mga ahensya upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga nawalan ng tirahan, lalo na yaong mga nakatira sa mga no-build zone na lugar.









