Malacañang, bumwelta sa banat ni Sen. Bato tungkol sa umano’y diversionary tactic ng Palasyo

Hindi pinalampas ni Palace Press Officer Claire Castro ang hirit ni Sen. Bato dela Rosa na mahilig gumawa ng isyu ang Palasyo para ilihis ang atensyon ng publiko.

Ayon kay Castro, hindi siya nagpapalutang ng lumang isyu maliban na lamang kung ito ay may kinalaman sa tanong sa kanya.

Iginiit rin ni Castro na hindi lumang isyu ang nakabinbing kaso sa International Criminal Court (ICC) at maging ang posibleng ICC arrest dahil paulit-ulit na umuugong na maaaring mailabas ang warrant of arrest.

Hindi rin aniya galing sa Palasyo ang isyu tungkol sa altered police report ng Beverly Hills Police Department kundi sinagot lang nila para ipakita sa taumbayan na mayroong fake news peddlers, obstructionists, at mga propagandista na gumagawa ng kuwento at kinakailangan pang mameke ng papel para lang sirain si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos.

Pinayuhan naman ng Palasyo si Dela Rosa na maging mapanuri sa mga isyu lalo’t dati na itong nabiktima ng pekeng AI video.

Hindi aniya kailanman gagamitin ng Palasyo ang isyu na peke lalo na kung kayang sagutin ito.

Facebook Comments