Nagpaliwanag ang Office of the Executive Secretary (OES) sa paglilipat ng mahigit 200 milyong pisong pondo ng Office of the President sa Office of the Vice President noong isang taon.
Sa isang pahayag mula sa OES, sinabi nito na ang pondo para sa confidential fund ng OVP ay ipinalabas batay na rin sa special provision number 1 sa ilalim ng 2022 contingent fund.
Batay sa paliwanag ng OES na sa ilalim ng special provision number 1 ng taong 2022 contingent fund, pinapayagan ang presidente ng bansa na mag-apruba ng pagpapalabas ng pondo para sa funding requirements ng bago o urgent activities ng national government agencies na dapat ipatupad sa kasalukuyang taon.
Aabot sa 221.424 milyong piso ang nakuhang confidential fund ng OVP mula sa Office of the President.
Paliwanag pa ng OES na nakita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pangangailangang ipalabas ang pondo bilang suporta sa mga inisyatibo ng OVP, batay na rin sa rekomendasyon ng Department of Budget and Management (DBM).
Nakasaad sa kahilingan ng OVP, gagamitin nila ang nasabing pondo para sa maintenance operating and other expenses items tulad ng financial assistance o subsidiya na nagkakahalaga ng 96.424 milyong piso at confidential funds para sa mga bagong tatag na satellite office na nagkakahalaga ng 125 milyong piso.
Ang pondo ayon sa OES ay kinuha sa fiscal year 2022 contingent fund.