Malacañang, dumipensa sa desisyong hindi padaluhin ang mga gabinete sa ikalawang pagdinig ng Senado tungkol sa pag-aresto kay FPRRD

Dinipensahan ng Malacañang ang naunang pahayag nito na hindi pipigilan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga gabinete na dumalo sa pagdinig sa Senado kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasunod ito ng pagpapadala ng liham ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa Senado na hindi na padadaluhin ang mga opisyal ng gobyerno sa pagdinig na hindi nagtugma sa unang pahayag ng Palasyo.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, wala pang desisyon ang Palasyo nang sabihin niya noong Lunes nang tanghali na hindi haharangin o pipigilan ng Ehekutibo ang sino mang opisyal na iimbitahan sa pagdinig.

Sinabi naman umano ni Sen. Imee Marcos, na natanggap niya ang liham kinagabihan noong Lunes na malinaw na resulta na ng desisyon ng Palasyo.

Nanindigan naman ang Malacañang na sapat na ang mga ibinahaging sagot at impormasyon ng mga opisyal para hindi na dumalo sa ikalawang pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations ngayong araw.

Ipinauubaya na rin ni Castro kay Bersamin ang pagdedesisyon at pagsagot sa pahayag ng senadora na hihingi ng “reconsideration” sa Palasyo para padaluhin ang mga opisyal sa pagdinig.

Facebook Comments