Malacañang, handang maglabas ng “negative list” ng mga proyektong hindi na popondohan sa 2026 budget

Handa ang Malacañang na ikonsidera ang panukalang maglabas ng negative list o talaan ng mga infrastructure projects na hindi na dapat pondohan sa 2026 National Budget.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, susuportahan ng Palasyo ang mungkahi ni Senate President Chiz Escudero kung ito’y tugma sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na masusing busisiin ang budget, lalo na matapos mabunyag ang umano’y mga “insertion” o nakasingit na pondo.

Ipinag-utos na rin mismo ng pangulo sa Department of Budget and Management (DBM) at sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na silipin ang mga kwestiyonableng alokasyon at tukuyin kung saan kailangang gumawa ng pagbabago.

Gayunman, tumanggi ang Palasyo na direktang suportahan ang rekomendasyon ni Escudero na magpatupad ng moratorium sa mga bagong flood control projects para sa 2026, dahil sa dami pa ng pondong nakatengga ngayong 2025.

Dagdag ni Castro, kay DPWH Secretary Vince Dizon nakasalalay ang pinal na desisyon, lalo’t nakatutok na rin ito sa paglilinis at pagsasaayos ng mga isyu sa kanyang ahensya.

Facebook Comments