
Hinamon ng Malacañang si Vice President Sara Duterte na harapin muna ang sarili niyang mga isyu bago magbato ng paratang laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang naging tugon ng Palasyo matapos akusahan ng bise presidente ang pangulo ng umano’y impeachable offense, kabilang ang pagpirma sa national budget na ayon sa kanya ay may “blank pages” at mga insertion.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mas makabubuting tutukan muna ng bise presidente ang mga reklamong kinahaharap nito kaysa makialam sa isyu ng iba.
Kaugnay sa pahayag na maaari ring maging impeachable offense ang pagtanggi ng isang opisyal kapag kinukuwestiyon ang kaniyang kakayahan o may alegasyon ng paggamit ng ilegal na droga, sinabi ni Castro na mas nararapat umanong itanong ito ng bise presidente sa sarili nito at maging sa kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kasalukuyan, may nakabinbing impeachment complaints laban kay Vice President Duterte sa House of Representatives.










