Handa umano ang Malacañang na makinig sa kwento ni Peter Joemel Advincula ang nagpakilalang “bikoy” na nasa likod ng kontrobersyal na “ang totoong narcolist” video.
Pero ngayon pa lang, sinabi na ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kung pagbabatayan ang pahayag ni bikoy tungkol sa tattoo ni dating Special Assistant to the President Bong Go ay sira na agad ang kredibilidad nito.
Muling iginiit ni Panelo na black propaganda lang ang video laban sa gobyerno.
Hindi rin aniya interesado ang palasyo na patulan pa ang mga pahayag ni Advincula dahil ipinauubaya na nila ito sa mga imbestigador ng pamahalaan.
Ang nagpakilalang si bikoy ay dumating sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines kasama ang ilang mga madre na nagbibigay sa kanya ng proteksyon ngayon.
Kanina rin nang lumantad siya sa media at nagpasaklolo sa IBP dahil sa umano’y banta sa kanyang buhay.
Nanindigan naman si Advincula na walang pulitiko o anumang grupo na nag-udyok sa kanya para lumantad.