
Dumistansiya ang Malacañang sa reklamo ng Office of the Ombudsman na nahihirapan umano silang kumuha ng kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ng mga kontratistang kongresista na nadadawit sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Atty. Claire Castro, may kanya-kanyang patakaran ang bawat sangay at ahensya ng gobyerno.
May umiiral din aniyang separation of powers sa pagitan ng ehekutibo, lehislatura, at hudikatura, kaya iginagalang ng pangulo kung ano ang panuntunan ng Kongreso pagdating sa SALN.
Dagdag pa ni Castro, iniiwasan ng Pangulo ang tinatawag na executive overreach o ang paglabag ng kapangyarihan ng ehekutibo sa ibang sangay ng gobyerno na labag sa Konstitusyon.
Gayunman, nilinaw ng Malacañang na malinaw ang posisyon ni Pangulong Marcos na dapat managot ang mga nasa likod ng katiwalian sa mga proyekto ng pamahalaan.
Una nang inireklamo ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na tumatanggi umano ang House Secretary General na magbigay ng kopya ng SALN ng mga kontratistang kongresista dahil kailangan pa raw itong aprubahan ng plenaryo ng Kamara.










