Malacañang, hiniling na pairalin ang diwa ng bayanihan dahil sa epekto ng Bagyong Rolly; ilang kongresista, umapelang dagdagan ang 2021 proposed budget para sa calamity fund

Hinihikayat ng Malacañang ang publiko na pairalin ngayon ang diwa ng bayanihan para sa mabilis na pagbangon matapos ang pananalasa ng Bagyong Rolly.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nagpaabot na ng tulong ang ilang ahensya ng pamahalaan at puspusan na rin ang pagsasagawa ng rehabilitasyon ng mga ito.

Kabilang sa mga ito ang Department of Social Welfare and Development (DWSD) at Department of Health (DOH) na pawang financial assistance, food packs, hygiene kits at gamot ang ipinamigay.


Habang tumungo naman ang iba’t ibang kooperatiba sa ilalim ng Department of Energy (DOE) sa mga lugar na nawalan ng suplay ng kuryente para tumulong sa pagbabalik nito.

Maliban dito, patungo na rin sa Catanduanes ang halos 60 tonelada ng relief goods at supplies dala-dala ng barko ng Philippine Coast Guard na BRP Gabriela Silang.

Dagdag pa ni Roque, bukas na rin ang lahat ng airports at seaports habang 26 roads section na ang nalinis ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaya’t pwede na itong daanan ng mga sasakyan.

Samantala, umaapela naman ang ilang kongresista sa Mababang Kapulungan na kung maaari ay dagdagan ang pondo sa proposed 2021 budget para mas matulungan ang mga naapektuhang lugar.

Ayon kay Camarines Sur Representative Luis Raymund Villafuerte, posibleng ikonsidera ng Kamara at Senado ang pag-realign ng non-priority outlays sa 2021 General Appropriations Bill dahil ubos na ang pondo ng ilang LGU dahil sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Facebook Comments