Umapela ang Malacañang sa publiko na ipamalas ang bayanihan spirit at tulungan ang mga komunidad na makabangon mula sa hagupit ng Bagyong Rolly.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pamahalaan ay patuloy na naghahatid ng food packs, gamot at iba pang relief goods.
Nasa ₱18.2 million na halaga ng relief aid ang naibigay sa calamity areas ng Department of Social Welfare Development (DSWD), Local Government Units (LGUs) at Non-Government Organizations.
Nasa 188,417 ang nanunuluyan sa evacuation centers.
Nakapamahagi na rin ang Department of Health (DOH) ng ₱540,000 na halaga ng hygiene kits at collapsible water drinking containers at ₱402,741 na halaga ng gamot para sa mga LGU.
Ang Department of Energy (DOE) ay naglunsad ng Task Force Kapatid kasama ang Region 8 Electric Cooperatives at Task Force Kapatid Isabela Electric Cooperative (ISELCO) sa Bicol Region at Marinduque para maibalik agad ang kuryente sa mga lalawigan.
Ang mga paliparan at pantalan ay bukas batay sa report ng Department of Transportation (DOTr).
Nasa 26 na road sections ang naayos o na-clear na ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Maghahatid naman ang Philippine Coast Guard (PCG) ng 60 toneladang relief goods at supplies sa Virac, Catanduanes lulan ang BRP Gabriela.