
Inanunsyo ng Malacañang na may libreng bakuna kontra rabies at animal bite vaccinations sa mga pampublikong ospital, at health center sa bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, tugon ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gawing mas accessible ang serbisyong pangkalusugan sa publiko.
Para naman sa mga pribadong ospital at klinika, may nakalaang animal bite package ang PhilHealth na nasa ₱3,000 hanggang ₱5,850.
Saklaw nito ang rabies vaccine, rabies immune globulin para sa agarang proteksyon, wound care, tetanus toxoid at anti-tetanus serum, antibiotics, at iba pang kinakailangang suplay tulad ng alcohol, antiseptics, at syringes.
Batay sa datos, tinatayang nasa 60,000 hanggang 70,000 katao sa buong mundo ang namamatay kada taon sa rabies.
Ika-anim din ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na kaso ng rabies.
Dahil dito, hinimok ng Palasyo ang publiko na samantalahin ang libreng bakuna para dito.









