Malacañang, ibinida ang kampanya kontra-korapsyon ni PBBM

Ibinida ng Malacañang ang mga hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa korupsyon, lalo na kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), personal na pinangunahan ng Pangulo ang pagbubunyag at pagsisiyasat sa mga proyektong may iregularidad. Ilan sa mga ito ay natuklasang substandard, habang ang iba ay hindi naman talaga umiiral.

Binigyang-diin ng Palasyo na si Pangulong Marcos ang unang lider na hayagang naglantad ng katiwalian sa mga pagawaing bayan.

Kasama rin sa mga hakbang ng gobyerno ang paglulunsad ng “Sumbong sa Pangulo” website, pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), at ang Transparency Portal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang palakasin ang pagbabantay at pananagutan sa mga proyekto ng pamahalaan.

Dagdag ng Malacañang, unti-unti nang nababawi ang mga pondong ninakaw at muling inilaan ang flood control budget sa mas mahahalagang programa.

Tiniyak din ng Palasyo na magpapatuloy ang paghahabol sa mga sangkot hanggang sila ay managot sa batas

Facebook Comments