Malacañang, iginiit na hindi kailangan ng emergency powers para payagan muling makabiyahe ang motorcycle taxis

Hindi na kailangan pang gamitin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang emergency powers para payagan ang motorcycle taxis na makabalik ng operasyon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaprubahan na ng House Committee on Transportation ang resolusyon para maipagpatuloy ang pilot study sa motorcycle hailing service.

Ibig sabihin, maaari nang payagan ng Department of Transportation (DOTr) na pabalikin sa kalsada ang mga motorcycle taxis.


“Nilabas na nga po ng House Committee on Transportation ang resolusyon na pupuwede nang maging basehan para ang DOTr naman po ay pumayag na muling bumyahe ang Angkas at Joyride,” sabi ni Roque.

Nabatid na inendorso ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbuo ng resolusyon na magpapahintulot sa motorcycle taxis na makabiyahe muli.

Ito ay sinuportahan ng ilang local chief executives sa Metro Manila.

Facebook Comments