Hindi umano nagpapabaya ang Malacañang sa pagprotekta sa maritime environment sa mga lugar na inaangkin ng China.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nananatiling prayoridad ng gobyerno ang proteksyon ng maritime ecosystem sa West Philippine Sea.
Ang pahayag ng kalihim ay kasunod ng paglalabas ng Korte Suprema ng Writ of Kalikasan.
Nakasaad dito na dapat protektahan ng gobyerno at i-rehabilitate ang marine areas sa West Philippine Sea na inaangkin ng China o pinaliligiran ng mga Chinese vessels gaya ng Scarborough Shoal, Ayungin Shoal at Panganiban Reef.
Samantala, ipapaubaya na aniya ng palasyo sa Solicitor General ang pagdepensa at pagpapaliwanag sa mga aksyon ng pamahalaan.
Binigyang-diin din naman ni Panelo ang paghahain ng administrasyon ng mga diplomatic protest laban sa China.
Pagtitiyak pa ng opisyal, patuloy ang commitment ng gobyerno para protektahan nag soberenya ng Pilipinas.