Sinimulan na ni Vice President Leni Robredo ang pangangampanya para sa susunod na halalan gamit ang kanyang patuloy na pamumulitika at pag-atake sa administrasyon.
Ito ang ibinatong akusasyon ni Presidential Spokesperson Harry Roque laban kay Robredo matapos niyang igiit na nakatuon si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang trabaho lalo na sa pagtugon sa pandemya.
Matatandaang sinabi ni Atty. Barry Gutierrez, ang tagapagsalita ni Robredo na nag-aaksaya lamang ang administrasyon sa pag-atake sa bise presidente sa halip na resolbahin ang mga problema ng bansa.
Ayon kay Roque, hindi nila pinag-aaksayahan ng panahon si Robredo at patuloy ang kanilang pagtatrabaho.
Aniya, walang humpay ang birada ni Robredo laban sa administrasyon.
Iginiit ni Roque na kailangan nilang sumagot pero hindi naman itong nangangahulugang pinababayaan na nila ang kanilang tungkulin.
Sa kanyang tweet, sinagot ni Gutierrez si Roque gamit ang mga screenshots ng mga news reports tungkol sa political agenda ng ilang administration officials para sa nalalapit na eleksyon.
Binanggit din ni Gutierrez ang pag-eendorso ni Pangulong Duterte kay Senator Bong Go bilang pangulo.
Bukod dito, ang mga naglipanang tarpaulin para kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na humihikayat sa kanya na tumakbo sa pagka-presidente.
Ibinalik ni Gutierrez kay Roque ang tanong kung sino ang namumulitika at nangangampanya sa harap ng pandemya.