
Umapela ang Malacanang sa mga local government units (LGU) na higpitan ang pagbibigay ng building permits sa mga nagpapagawa ng gusali.
Ito ay para matiyak na matibay at may kalidad ang lahat ng gusali dahil sa pinangangambahang pagtama ng The Big One kasunod ng pagtama ng lindol sa Myanmar at Thailand.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, bukod sa mahigpit na pag-isyu ng building permits, inatasan na rin ang mga LGU na inspeksyunin ang mga gusali.
Noon pa man aniya ay tuloy-tuloy ang pahahanda ng bawat ahensya ng gobyerno sa ganitong klase ng sakuna.
Nariyan ang mga nationwide earthquake drills, fire drills, at may mga nakahanda ring go-bags.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang Palasyo sa publiko na tumulong sa information dissemination para makapaghanda sa mga hindi inaasahang pangyayari.