Malacañang, inatasan ang mga LGU na resolbahin ang Telco permits sa loob ng tatlong araw

Inatasan ng Malacañang ang mga Local Government Unit (LGU) na resolbahin ang mga application ng telecommunication companies para sa pagtatayo ng cellular towers sa loob ng tatlong araw.

Ito ang pahayag ng Palasyo kasunod ng babala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga LGU na sasampahan ng kaukulang kaso ang mga opisyal nito kapag nabigo silang mag-isyu ng kinakailangang dokumento.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nananawagan sila sa city at municipal councils na pabilisin ang pagpoproseso ng business permits para mapabuti ng mga Telco ang kanilang serbisyo sa bansa.


Paalala ni Roque, may umiiral na Anti-Red Tape Law kaya kinakailangang aktuhan ng mga LGU na hindi kasama sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang application ng mga Telco at iba pang kumpanya.

Batid aniya ni Pangulong Duterte ang problema sa matagal na paglalabas ng permits.

Bago ito, nagbabala ang Pangulo sa Globe Telecom at Smart Communications na ipapasara ang mga ito kapag hindi nila pinaganda ang kanilang serbisyo hanggang Disyembre.

Facebook Comments