Ipinauubaya na ng Malacañang sa National Telecommunications Commission (NTC) ang pagdedesisyon kung saan gagamitin ang broadcast frequencies na itinalaga sa ABS-CBN matapos mabigong makakuha ng prangkisa mula sa Kongreso.
Ang free TV at radio stations ng ABS-CBN ay mananatiling off air matapos ibasura ng House Committee on Legislative Franchises ang 25-year franchise application ng network.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hahayaan na nila ang NTC hinggil dito lalo na at quasi-judicial entity ang komisyon.
Dagdag pa ni Roque, iginagalang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pasya ng House Committee on Legislative Franchises bilang co-equal branch ng Pamahalaan.
Una nang umapela ang ABS-CBN sa NTC na huwag bawiin ang kanilang radio frequencies, sakop ang 42 TV stations, 23 radio stations, at 10 digital broadcast channels.