Mariing kinondena ng Palasyo ng Malacañang ang pagpatay sa broadcast journalist na si Ma. Vilma Rodriguez sa Zamboanga City nitong Martes.
Matatandaang nasawi si Rodriguez matapos pagbabarilin sa harap ng kaniyang pamilya sa Barangay Tumaga sa naturang lungsod.
Ayon sa Palasyo, walang puwang ang ganitong uri ng kasuklam-suklam at karahasan sa bansa, kung saan pinahahalagahan ang kalayaan, demokrasya, at ang batas higit sa lahat.
Kaugnay nito, umapela ang Palasyo sa mga awtoridad na magsagawa ng mabilis at walang kinikilingan na imbestigasyon sa karumal-dumal na insidenteng ito para mapanagot ang mga may sala.
Nakikiramay naman ang pamahalaan sa pamilya ng biktima, kasabay ng pagtitiyak na sisikaping malaman ang katotohanan at makamit ang katarungan para kay Rodriguez.
Handa ring magbigay ng kinakailangang tulong at suporta ang mga kaukulang ahensya para sa pamilya ng biktima.