Malacañang, ipinag-utos na rin ang agarang POGO ban sa CEZA

Ipinag-utos na rin ng Malacañang ang agarang pagpapatigil sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO, internet gaming at iba pang offshore gaming operations sa Cagayan Special Economic Zone Authority (CEZA).

Batay sa memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin at pinadala kay Administrator at CEO Secretary Katrina Ponce Enrile, pinaalalahanan ang CEZA na dapat sumunod sa kautusan ng pangulo.

Matatandaang itinanggi ni Enrile kamakailan sa House inquiry na walang nag ooperate na POGO sa CEZA.


Ngunit inamin nito na may “iGaming” o interactive gaming operations sa CEZA na iba naman daw sa POGO.

Pero ayon sa Malacañang, sakop ng kautusan ang pagbabawal sa mga internet gaming kaya dapat itong sumunod alinsunod na rin sa naging direktiba ng Pangulo noong SONA.

Ang memorandum order sa CEZA ay inilabas noon pang November 5, bago pa ilabas ang Executive Order No. 74 na total ban sa POGO kahapon.

Facebook Comments