Ipinauubaya na ng Malacañang sa Office of the Ombudsman kung ilalabas nito ang 2018 Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang Office of the Ombudsman ang custodian ng SALNs ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, senior officials, at star-rank military and police officers batay sa Republic Act No 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nakasaad sa batas na kailangang mag-file o magsumite ng SALN ng chief executive at nagawa naman niya ito.
Ang repository ng records ay ang Office of the Ombdusman kaya’t nasa kamay na ni Ombudsman Samuel Martires ang pagpapasya kaugnay ng usapin.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Panelo na maituturing nang transparency ang ginawang pagfa-file ng SALN ni Pangulong Duterte.
Patunay ito na walang anumang itinatago ang pangulo kaugnay ng kaniyang yaman at ari-arian.
Samantala, bingyang-diin naman ng palasyo na hindi kailangang sundin ni Pangulong Duterte ang ginawa ng mga dating Pangulo ng bansa na pagsasa-publiko ng kani-kanilang SALN dahil iba ang style ng chief executive.
Mababatid na sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism ito ang kauna-unahang pagkakataon sa nakalipas na tatlumpong taon na hindi inilabas ng pangulo ng bansa ang kaniyang SALN.