
Ipinauubaya na ng Malacañang sa Office of the Ombudsman ang usapin ng imbestigasyon sa paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Atty. Claire Castro, Ombudsman na ang bahalang magpasya sa panawagan ng grupong Tindig Pilipinas na silipin ang paggamit ng pondo ng Office of the Vice President (OVP) mula 2022 hanggang 2023.
Matatandaang naharap sa impeachment case sa Kamara si VP Sara noong Pebrero dahil sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds at sa pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa imbestigasyon ng Kamara, lumabas na ginamit umano ng OVP ang confidential fund gamit ang mga resibong may maling petsa, pangalan na hindi rehistrado sa PSA, at mga kaduda-dudang pirma na itinanggi ng bise presidente.
Una nang ibinasura ng Korte Suprema ang impeachment case matapos sabihing nilabag ng Kongreso ang “one-year bar rule” at due process.
Tiniyak naman ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na pag-aaralang mabuti ang liham ng Tindig Pilipinas at gagawin ang nararapat na aksyon kaugnay ng isyu.









