Ipinauubaya na ng Malacañang sa Senado ang paglalabas ng komento hinggil sa ilang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na posibleng hindi dumalo sa nakatakda nilang pagdinig bukas, August 11, hinggil sa mga iregularidad sa ahensya.
Ito ang pahayag ng Palasyo matapos ihayag ni PhilHealth Chief Ricardo Morales at Executive Vice President Arnel De Jesus na mayroon silang iniindang kondisyon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, iiwanan na nila ang isyung ito sa Senado bilang hiwalay na co-equal branch.
Ang Inter-Agency Task Force (IATF) na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte ay inatasang imbestigahan ang mga alegasyon laban sa PhilHealth kabilang ang pag-audit sa finances ng ahensya at pagsasagawa ng lifestyle checks sa mga opisyal at empleyado nito.
Maaari ding irekomenda ang preventive suspension sa anumang opisyal para hindi maantala ang imbestigasyon.
Ang task force ay binubuo ng Department of Justice (DOJ), Office of the Ombudsman, Commission on Audit (COA), Civil Service Commission (CSC), Office of the Executive Secretary, Office of the Special Assistant to the President at ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).