Itinanggi ng Malacañang na bumiyahe abroad si Pangulong Rodrigo Duterte nitong weekend.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nananatili pa rin sa bansa ang Pangulo at pinapangasiwaan ang COVID-19 pandemic response.
Nakatakdang makipagpulong ang Pangulo ngayong araw sa ilang miyembro ng gabinete sa ilalim ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF- EID) sa Davao City.
Inaasahang i-aanunsyo ng Pangulo ang magiging quarantine classification sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal na kasalukuyang nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) kasunod ng apelang ‘time-out’ mula sa medical community.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na hindi na niya maaaring ilagay ang bansa sa mas mahigpit na lockdown dahil ubos na ang pondo ng pamahalaan para sa financial aid para sa mga apektadong sektor.