Malacañang, itinangging nagtatago ng impormasyon matapos lumutang ang hindi na-ereng bahagi ng talumpati ng Pangulo sa Jolo

Mariing pinabulaanan ng Malacañang na nang-iipit o nagtatago ito ng impormasyon mula sa mga talumpati at pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay makaraang kumalat online ang ilang bahagi ng talumpati ng Pangulo sa Jolo, Sulu na hindi kasama sa official video na inilabas ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, wala silang polisiya na i-edit ang mga talumpati ni Pangulong Duterte na inilalabas sa publiko.


Paliwanag ni Roque, wala siya nang bumisita ang Pangulo sa Jolo at nanindigan siya na hindi niya alam na in-edit ang video ng speech bago ito isapubliko.

Batay sa hindi inereng bahagi ng speech, ipinagmamalaki ng Pangulo ang kanyang sarili na nabuwag niya ang oligarkiya sa bansa.

Naglabas muli ng tirada ang Pangulo laban sa ABS-CBN dahil sa umano’y kwestyunableng deklarasyon ng lupa sa Quezon City at pagbili ng “tax-free” equipment.

Sinabi pa ng Pangulo na mayroong hinahawakang kumpanya ang pamilya Lopez sa Cayman Islands at Hungary.

Hindi rin nakaligtas sa banat ng Pangulo ang mga negosyanteng sina Manny Pangilinan, mga Ayala, Consunjis, mga komunista, maging ang Rappler.

Facebook Comments