
Ito ang maikling tugon ng Malacanang sa banat ni Davao City Acting Mayor Baste Duterte na “PR stunt” o palabas lang ang motibo at image cleansing lamang ang ginagawang imbestigasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga flood control projects.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang halong PR stunt ang ginagawang pagsisiyasat lalo’t layon nitong matukoy ang mga pagkukulang at pananagutan sa mga proyekto, dahil sa nagiging epekto ng pagbaha sa iba’t ibang rehiyon.
Giit pa ni Castro, mas mainam na hintayin ni Duterte ang resulta ng imbestigasyon kaysa magbitaw ng mga pahayag na walang sapat na basehan.
Nanindigan din ang Palasyo na ang hakbang na ito ay bahagi ng seryosong kampanya ng administrasyon para masigurong napupunta sa tama ang pondo ng bayan at agarang masolusyunan ang mga suliranin sa imprastraktura kontra pagbaha, kasabay ng pagtitiyak na may kahihinatnan ang ginagawang imbestigasyon ng pamahalaan.









