Kinalma ng Malacañang ang publiko kaugnay sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang ianunsiyo ang brand ng bakuna na gagamitin sa iba’t ibang vaccination sites.
Sa interview ng RMN Manila kay Presidential Spokesperson Harry Roque, binigyang-diin nito na lahat ng COVID-19 vaccines na ginagamit ng pamahalaan ay ligtas, may approval ng World Health Organization (WHO) at may Emergency Use Authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Aminado si Roque na kung ang bakuna na gawa ng Amerika at Europa lang aasa ang Pilipinas, posibleng matagalan pa bago mawala ang COVID-19 sa bansa.
Nabatid na mismong si Pangulong Duterte ang nakapuna sa pagdagsa ng mga tao sa vaccination sites nang ianunsiyo na bakuna ng Pfizer ang ituturok kung saan hindi na nasunod ang ilang health protocols.