
Kinumpirma ng Malacañang na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Land Transportation Office (LTO) kaugnay ng insidente sa North Luzon Expressway (NLEX) na kinasasangkutan umano ng convoy ni Bulacan Governor Daniel Fernando.
Tugon ito ng Palasyo sa pahayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na tinawagan niya si Fernando kaugnay ng ulat na umano’y hinarass ng convoy nito ang isa sa mga anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa NLEX.
Sinabi ni Remulla, may mga reklamo ng road rage laban sa gobernador at hindi umano dapat inaangkin ang apat na linya ng expressway tuwing may convoy kaya ini-refer ang usapin sa LTO para sa imbestigasyon.
Ayon naman kay Palace Press Officer Claire Castro, mas mainam na sa LTO direktang itanong ang detalye ng ginagawang imbestigasyon.
Nauna na ring nilinaw ng Palasyo na hindi sangkot ang sinumang anak ng pangulo sa naturang insidente.
Wala rin umanong impormasyon ang Malacañang sa alegasyon ng columnist na si Mon Tulfo na may mataas na opisyal na nanakit kay Governor Fernando dahil sa insidente.










