Malacañang, kokonsultahin ang mga reporter nito kaugnay sa late-night na pag-eere ng briefings ni Pangulong Duterte

Kokonsultahin ng Malacañang ang kanilang Press Corps hinggil sa schedule ng pag-eere ng mga susunod na public address ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa COVID-19 at iba pang pambansang isyu.

Ito ang pagtitiyak ng Palasyo matapos manawagan si Sen. Nancy Binay na muling i-review kung gaano ka-epektibo ang pagsasahimpapawid ng pre-recorded speeches ng Pangulo na inaabot na ng madaling araw.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mas nais niyang i-ere ang public briefings ng Pangulo ng Alas-8:00 ng umaga ng sumunod na araw.


Pero may ilang miyembro ng Malacañang Press Corps ang gusto na i-ere ito sa parehas na araw ano pa man ang oras nito.

Gayumpaman, nangako ang Palasyo na susubukan nilang paagahin ang broadcast ng weekly address ni Pangulong Duterte.

Nabatid na 1:00 AM na ipinalabas ang huling public address ni Pangulong Duterte nitong Miyerkules.

Facebook Comments