Malacañang, kumambyo sa usapin ng freeze order sa asset ni FPRRD

Kumambiyo si Palace Press Officer Claire Castro sa nauna niyang pahayag na ipauubaya ng pamahalaan sa Anti-Money Laundering Council ang freeze order na maaaring ilabas ng International Criminal Court sa mga ari-arian ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Castro, walang ibinibigay na anumang commitment ang administrasyon sa pagpapatupad ng anumang utos mula sa ICC dahil wala itong hurisdiksyon sa Pilipinas.

Dagdag pa ni Castro, hindi pa napag-uusapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mga opisyal ang posiblidad na muling sumali ang Pilipinas sa ICC.


Wala aniyang ibang naging sagot ang Pangulo kundi ngumiti lang nang tanungin kaugnay sa pagbalik ng bansa sa ICC.

Samantala, sinabi naman ni AMLC Executive Director Matthew David na hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na anumang opisyal na request mula sa ICC o sa anumang kaugnay na ahensya.

Pero sakali man aniyang makatanggap sila ng request ay pag-aaralan at ikokonsulta nila ito sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno para sa angkop na tugon.

Tiniyak din ni David sa publiko na patuloy na gagampanan ng AMLC ang kanilang mandato alinsunod sa batas at itinakdang mga proseso.

Facebook Comments