
Tiwala ang Palasyo na hindi basta magpapadala ang Iglesia ni Cristo (INC) sa kumakalat na maling impormasyon sa gitna ng inaabangang kilos-protesta ng grupo ngayong weekend.
Kasunod ito ng naging rebelasyon ni dating Congressman Zaldy Co na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. umano ang utak sa P100 billion na budget insertion sa 2025 National Budget.
Sa gitna ng pangamba na muling uminit ang publiko dahil sa isyu, nananatiling kumpiyansa ang Palasyo na mananatiling mahinahon ang mga tagasuporta ng INC.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kilala ang mga miyembro ng INC bilang disiplinado, maka-Diyos at makabayan kaya alam nila kung sino ang nagpapakalat ng kasinungalingan at sino ang totoong nagtatrabaho para sa bayan.
Binigyang-diin din ng Malacañang na wala umanong “air assets” na sinasabi ang kampo ng Pangulo, na tila ginagamit para magpataas ng tensyon sa publiko.









