
Kumpiyansa ang Malacañang na tapos na ang usapin sa impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kabila ng pahayag ng House Committee on Justice na maaari pa itong baligtarin sa plenaryo.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, iginagalang ng Pangulo ang proseso ng Kongreso ngunit malinaw na wala itong nilabag na probisyon ng Konstitusyon.
Giit ni Castro, naging bukas at malinaw sa publiko ang pagdinig ng House Committee on Justice kung saan nakita at narinig mismo na walang sapat na basehan ang mga paratang laban sa Presidente.
Dagdag pa ng Malacañang, mismong si Pangulong Marcos Jr. ang nagsabing ang impeachment complaint ay isang panggugulo lamang sa kanyang trabaho at malinaw na pamumulitika, dahil wala umanong anumang matibay na ebidensiya laban sa kanya.










