Malacañang, kuntento sa ginanap na mapayapang kilos-protesta

Pinuri ng Malacañang ang mapayapang Trillion Peso March o mga ikinasang kilos-protesta sa iba’t ibang lugar sa bansa kontra katiwalian.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Dave Gomez, mino-monitor mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Palasyo ang protesta sa Luneta, Mendiola, at People’s Monument sa EDSA.

Bukas aniya ang pamahalaan sa mapayapang pagtutol, ngunit hindi nito hahayaan na may sumabotahe o manggulo sa hanay ng mga demonstrador.

Bilang pag-iingat, nagsagawa ang mga awtoridad ng screening sa mga raliyistang nakasuot ng face mask, hindi para pigilan ang protesta kundi para harangin ang posibleng nanggugulo, gaya ng naranasan sa rally noong Setyembre 21 na kinasangkutan umano ng grupong Black Mask Movement.

Nilinaw ni Gomez na bahagi ito ng mandato ng pulisya upang mapanatiling ligtas at maayos ang kilos-protesta.
Agad ding pinalaya ang mga na-interbyu at nasuri matapos ma-verify ang kanilang pagkakakilanlan.

Facebook Comments