Naniniwala ang Malacañang na malabong i-endorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ₱420 billion stimulus package na ipinapanukala ni House Speaker Lord Allan Velasco o ang Bayanihan 3.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sapat pa ang ₱4.5 trillion 2021 national budget at ₱165 billion Bayanihan 2 para maitawid ang Pilipinas mula sa pandemya.
Pero kung sakaling makulangan aniya ang pondo para sa COVID-19 response ay maaaring isulong ang Bayanihan 3.
“Pero siyempre po, we appreciate the filing of Bayanihan 3 dahil kung kulang po talaga, then we will of course resort to Bayanihan 3. Sa ngayon po, tingnan po muna natin kung anong mangyayari sa pagpapatupad ng 2021 budget at iyong pagpapatupad pa rin ng Bayanihan 2 na extended po hanggang taon na ito,” ani Roque.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, nagpapasalamat si Pangulong Duterte sa Kongreso na inaasahang pagpasa sa Bayanihan 3.
Tiniyak ng Pangulo na hindi niya hahayaang maaksaya ang pondo o mapunta sa korapsyon.
“I thank Congress for understanding us and giving us the support, the critical support we badly need to discharge our duties,” sabi ng Pangulo.
Una nang sinabi ni Velasco na ang Bayanihan 3 ay makakatulong para mapalakas ang economic growth na sumadsad sa 9.5% nitong katapusan ng 2020.